AKO SI ARNOLD, taga-Manila. Na-assign ang trabaho ko sa Mindanao. Kahit laban sa kagustuhan ko, kailangan akong sumunod sa boss ko. Pagbaba ko sa barkong sinakyan ay agad tumambad sa akin ang kabuuan ng Mindanao. “Ganito pala rito.” Ang nabulong ko sa sarili ko. “Arnold?” sabi ng isang lalaki sa ‘di kalayuan. Sinino ko muna kung sino ito. Napakunot-noo pa ako nang kaunti. At halos matuwa nang makilala ko kung sino…
“Pareng Mon!” Sabi ko sabay abot ng kamay at hampas ko sa hugpungan ng braso at balikat niya.
“Ano pare? Nagulat ka ba?” tanong pa niya. “Oo naman, ‘no? Akalaing magkakasama uli tayo sa trabaho.”
“So, pa’no ba ‘yan, tara na sa sakayan ng bus.”
“Hindi naman ba magulo rito?” tanong ko.
“Hindi naman masyado,” sabi pa ni Mon.
Sumakay na kami ng Bus at doo’y hindi katagalan ang pinaghintay at madali itong napuno. “Taong labas!” Sigaw ng isang babae na ‘di pa naman katandaan.
“Kuhanan n’yo ng pera!” Sigaw ng isang armadong lalaki.
“Akin na’ng bag mo!” Sabi ng isang armadong lalaki na pilit kinukuha ang bag ng babeng nasa may tapat ko. Nakuha rin ang bag sa babae na umiiyak na nang mabalingan naman kami ng tingin ay biglang hinablot kaming dalawa ni Mon at iginaya pababa ng bus. May bitbit na baril ang lalaki.
“Piliin mo ang mga taong isasama natin!” Sigaw ng isang lalaking kanina pa’y nakamasid lamang at hindi man lamang kumikilos. Pati ang babaeng aking nakita kanina’y hinablot din pababa. At ang iba pa’y tinangay rin at isinakay sa kanilang sasakyan.
Wala akong marinig kundi ang hikbi mula sa katabi ko at sa iba pang babaeng kasama naming dinampot mula sa bus kanina. Pakiramdam ko’y gusto kong dukutin ang telang nakatakip sa mga mata ko. Pero kahit kaya ko’y ayokong gawin. Natatakot din naman ako na mapagbalingan ng galit ng mga taong labas.
Naputol ang aking pag-iisip nang maramdaman kong tumigil na ang sinasakyan namin. Isa-isa kaming ibi-naba.
Iginiya kami sa isang pakiwari ko’y kubo. At ng lahat kami’y nasa loob na ng kubong iyon, narinig kong pasalampak na sinara at kinandado ang sawali nitong pinto. Nakita ko ito sapagkat inalis ko rin kaagad ang tela mula sa aking mga mata nang maramdaman kong wala nang ibang boses na nag-uusap. Nilapitan ko ang babaeng kanina pa humihikbi at nilapitan nang pagapang. Nang tapikin ko siya sa kamay ay bigla pa itong napakislot at akala mo’y kung ano ang gagawin kong masama sa kanya lalo na nang magsalita ng “‘Wag po…”
“’Wag kang maingay…” sabi ko naman sabay tanggal ng tela sa kanyang mga mata. At nang maaninagan ako’y bigla akong niyakap. Siyempre nagtaka naman ako. Bigla kong naalala si Mon. Bumaling ako at nakita ko itong nakayukyok.
“Mon… si Arnold ‘to, ‘wag kang maingay” sabi ko sabay tanggal ng tela.
“Arnold…” sabi lang niya. At aba! Nagulat ako nang biglang yakapin din ako. Agad naman akong umalis sa pagkakayakap niya at baka iba ang isipin ng babaeng nasa may harapan namin. Nang matapos ko silang tanggalan halos lahat ng tela ay ngayo’y halos wala kaming mapag-usapan. Marahil kapwa takot na baka may makarinig sa amin. Hanggang sa ako ang bumasag ng katahimikan.
“Sino po ba sila?” ang tanong ko sa isang hindi naman katandaang babae.
“Pakiwari ko’y mga taong labas.” Sabi naman nito.
No comments:
Post a Comment