Chapter VI
Maaga pa rin akong nagising dahil sa nasanay na rin ako at marahil ay nakatulog naman din ako kahapon ng matagal-tagal. Nakaunan sa braso ko habang nakayakap sa akin si Chelle. Napakaganda nyang tignan sa kanyang pagkakatulog na parang secure na secure. Masarap sa pakiramdam pala na may katabi kang anghel sa pagtulog at paggising mo ay nakayakap sya sayo. Ihing-ihi ako kaya dahan- dahan kong inalis ang pagkakayakap nya sa akin.
"Um, antok pa ako mahal ko." Sabi nya sa akin.
"Sorry angel ko, ihi lang ako ha. Tulog ka muna okay." Bumangon ako at dumiretso sa banyo para umihi.
Pagkatapos ay bumalik ako hindi para mahiga kundi para halikan sya sa pisngi. Nagpainit ako ng tubig at nagsaing para paggising niya ay kakain na lang sya. Gusto kong paglingkuran sya ngayong umaga. Bumili ako ng itlog, tuyo at noodles sa tindahan sa tapat namin.
"Ikaw pala yong bagong nakatira diyan? Asawa mo ba yong kasama mo diyan?" Sinagot ko na lamang ng oho yong nagtitinda.
"Naku wag mo naman akong inu- oho diyan. Bata pa ako noh, 21 lang ako. Ganda ng asawa mo." sabi nya sa akin. Sa totoo lang maganda rin ang tindirang ito, kaakit-akit ang mukha.
"Maganda ka rin naman. Cute ng kapatid mo ah? Ilang taon na yan?" Ang tanong ko sa kanya ng mapansin ko ang batang cute na nakaupo sa tabi nya na mukhang inaantok pa.
"Ay, 2 years old sya at hindi ko sya kapatid, anak ko sya, si Arlene. At ako naman si Jennise. Say hello sa tito anak." pakilala nya sa akin.
"Ah, ako naman si Ace, tulog pa yata, hehehe." Ng mapansin kong hindi nagreact ang bata na nakapikit na ang mga mata.
"Oo nga sige ha ipahihiga ko lang to baka malaglag, nice meeting you." Sinagot ko sya ng nice meeting you din. At bumalik na ako para mailuto ang ulam. Pagkaluto ko ay tama namang nagising na rin si Chelle.
"Good morning angel!" Agad kong bati sa kanya ngunit walang sinabi bagkus deretso sa lababo at nagmumog.
"Good morning mahal ko! Why angel?" Sabi nya sabay halik sa lips ko ng smack.
"Because you're my angel." Ang sagot ko sa kanya.
"Okay, I love you angel, you are my angel too. Really, I never felt this feeling to anybody. Siguro dahil noon pa crush na kita. Unang kita ko sayo sa School noon sabi ko, sya ang mapapangasawa ko. But then iba ang naging ikot ng mundo. Yong bestfriend ko ang nakita mo. Selos na selos ako noon kaya nga mejo dumistansya ako. Sorry pero noong mamatay sya, naging sobrang lungkot ko, nasaktan ako. Pero sa kabilang dako, masaya ako dahil naisip ko may pag-asa na ako sayo. Ang sama kong bestfriend no? Kaya lang nawala ka naman. Naisip ko noon time na rin siguro na magboyfriend ako, pero wala akong magustuhan. Siguro dahil nasa isip at puso ko na ikaw lamang ang gusto ko. Ewan ko ba ang pangit mo naman, hihihi." Sabi nyang tumatawa na umiiyak habang nakayakap sa leeg ko.
"Sige kain na tayo GANDA." Ang sabi kong diniinan pa ang pagkakasabi ng ganda.
"Joke lang yon no, ikaw na nga ang pinakagwapo para sa akin ehh. Maghihintay ba ako ng ganito katagal kung hindi." Sabay pisil sa pisngi ko.
"Pa kiss nga pogi."
"Angel sama ka sa akin pa-enrol ako ngayon." Yaya ko sa kanya.
"Sige, tapos deretso tayo sa bahay ha. Total iisang way lang naman eh." Sagot nya sa akin habang naghuhugas sya ng pinagkanan namin.
Kaunti palang ang nag-eenrol ng dumating kami kaya naging mabilis lang natapos ang proseso. "Kuya, bale one thousand three hundred lahat. Babayaran na po ba ninyo o partial lang muna?" Tanong ng babaeng cashier sa akin na hindi ko naman tinitignan dahil nakatingin ako kay Chelle that time.
"Lahat na po mam para wala na akong iniisip na babayaran pa." Sagot ko na lamang sa kanya habang iniaabot ko ang tatlong five hundred peso bill.
"Kumusta ka naman kuya?" Ha, sino to bakit ako kinukumusta? Si Sheryl? Cashier dito?
"Oi, ikaw pala si Rochelle nga pala, girlfriend ko. Angel si Sheryl bestfriend ng kapatid ko." Nag-hi and hello sila tapos umalis na kami.
Maya-maya ay humahabol si Sheryl sa amin. "Sandali kuya, si Gretch nga pala nasa kabilang school, magtuturo sya doon. Sa College of Accountancy and commerce. Ang ganda mo ate, sana ikaw na ha? Please, kaawa na yang kuya kong iyan eh. " ang sinabi nyang nakagulat sa akin.
Humawak si Chelle sa braso ko. Nginitian nya si sheryl at sabay sabing, "Tatalian ko na to dahil baka iwan na naman ako eh." Bumulong sya kay Sheryl at bigla silang nag-apiran sabay tawa.
"Sige, Sheryl ha. Uwi na kami. Nice meeting you." Umalis na kami sakay ng motor.
"Anong binulong mo?"Tanong ko sa kanya.
"Wala, secret yon. Para sa aming babae lang yon."at hindi ko na rin sya kinulit alam ko namang kung ano man yon ay hindi against sa akin.
"Anong pangalan ng kapatid mo para mai-meet ko sya sa school."Tanong nya sa akin.
Oo nga pala magkakasama nga pala sila sa iisang school dahil maliit lang naman ang school na yon. Maganda naman upang sa ganun ay magkasundo na agad sila. Wala naman akong dapat ipangamba dahil mabait ang kapatid ko at tiyak kong magugustuhan nya si Chelle.
"Gretchen, magkakasama nga pala kayo ano?" Ang sagot ko sa kanya na inoohan naman nya.
Lampas alas dose na ng dumating kami sa bahay nila. Kumain kami ng tanghalian at pagkatapos ay tinulungan ko syang magligpit ng mga pinagkainan. Tapos umupo muna kami sa sopa nakikipanood ng tv sa mga magulang nya. Ngunit pinatay ito ng tatay nya at kinausap kaming dalawa.
"Ano bang plano nyong dalawa? Maglilive-in o ano? Aba anak umabot ka ng ganyang edad na walang boyfriend tapos ngayon sinusulit mo naman yata." Ang sabi ng nanay nyang mejo galit pero kalmado ang tatay nya.
Hindi ko rin alam ang sasabihin ko kaya hinintay kong si Chelle ang magsalita. "Nay, tay, intindihin nyo naman ako, matagal kong hinintay ang araw na makita kong muli si Ace. Alam naman po ninyo kung sino ang gusto ko di ba? Saka nay..." hindi pa nya natatapos ang sasabihin nya ay biglang nagsalita na naman ang nanay niya.
"Guro ka anak, paano na lang ang reputasyon mo kapag nalaman nilang natutulog ka sa bahay ng boyfriend mo? Paano kung bigla kang mabuntis? Ano na lang ang sasabihin ng ibang tao?" Sunud- sunod na tanong ng nanay nya.
"Nay ano po ba ang pakialam ng ibang tao sa buhay ko. Hindi naman nila kayang ibigay ang kailangan ko. Saka maligaya ako nay sana unawain nyo naman ako." Ang sagot ni Chelle na agad na namang nasundan ng tanong.
"So dahil maligaya ka, ganyan..."
"Pagkatapos po ng kasal ni Liza pakakasal po kami, kung mamarapatin po ninyo? Gusto ko rin po sanang mamanhikan mamaya kasama ang nanay ko kung pwede po? Para mapag-usapan ang mga dapat po na pag-usapan. Tito,Tita?"Ang aking sinabi dahil hindi na ako nakatiis.
"Eh, ano pa nga ba. Eh dalawang beses ng nakitulog sa tirahan mo yan eh, dapat lang naman. Okay iho salamat at naintindihan mo ang damdamin ko bilang ina ha." Sabi ng nanay nyang ngumiti sa akin.
"Ano ka ba, anong dalawang beses nakitulog ang pinagsasabi mo e hindi naman natulog ang mga yan. Halika na nga at bayaan mong mag-usap ang dalawang iyan dahil biglaang desisyon yang nangyari dahil sa ugali mo." sabi ng kanyang tatay.
Hinila ang asawa sabay kindat sa akin. Nakatitig sa akin si Chelle na parang tulala yata. "Angel, okay ka lang ba?" Hindi sya umimik bagkus biglang yumakap sa akin ng buong higpit at umiyak sa balikat ko.
"Salamat Angel ha. Mahal na mahal kita. Ang saya-saya ko ngayon sa totoo lang." Sabi nyang hindi pa rin bumibitaw ng yakap sa akin.
"Sorpresa ko nga sana yon sa birthday mo kaya lang ngayon na kailangan eh. Saka ganun din naman di ngayon na kung pupuwede." Ang sabi ko sa kanya.
"Pwede bang ipostpone mo muna ang pamamanhikan kasi naman nabigla ako eh. Sana makilala ko muna ang pamilya mo bago mo ako pakasalan ano." Request nyang nakatingin sa mata ko na nakangiti.
"Okay, one day postpone. Pero ikaw na magsabi nyan sa magulang mo ha." Tapos dali-dali syang pumasok sa kuarto ng magulang niya.
Paglabas niya deretso sa kuarto niya. Paglabas nya nakabihis na sya, pantalong maong na fit at blouse na fit din na nagpalabas sa kanyang kaseksihan. May hawak na dalawang jacket at dalawang cap.
"Tara na, doon tayo sa bahay niyo ipakilala mo muna ako sa kanila. Try mo tong jacket na to." Isinuot nya sa akin ang maong na jacket.
"Pangbabae naman yata to eh?"Ang tanong kong parang naaasiwa.
"Hindi, unisix yan. Ayan bagay mo naman, ang guwapo talaga ng Angel ko. Ito pa, o, guapo talaga.” Ang sabi nya habang inilagay din ang cap sa ulo ko na may tatak na LA. Sumakay sya sa likod ko at yumakap sa beywang ko.
"Dahan-dahan ha."ang sabi nya at pinatakbo ko na ang motor. Maya-maya pa ay isinandal nya ang ulo nya sa likod ko.
"Angel wag kang matutulog ha." Ang sabi ko sa kanya dahil ang akala ko ay inaantok siya.
"Hindi, mahangin lang kasi." Oo nga naman pala ala man lang kasing helmet o gogles man lang sana.
"Hindi pa kasi ako nakabili ng helmet eh." Ang sabi ko sa kanya habang nasa isip ko na bibili ako pagbalik namin ng Baler.
Alas dos ng makarating kami sa bahay. Pagbaba namin ay agad siyang humawak ng mahigpit sa kamay ko. "Relax Angel, mabait si nanay, okay? Saka nandito naman ako." Ang sabi kong agad naman niyang pinutol.
"Hindi naman ako natatakot kaya lang kinakabahan ako eh baka hindi ako magustuhan."Ang sabi niyang nag-aalala. Tapos kunwari sinipat ko sya ng tingin. "Uhm, ikot ka nga..." ang sabi ko sa kanya na agad niyang binara.
"Niloloko mo naman ako eh." Sabi niyang sumimangot.
"Joke lang, lika na mahalaga ako gusto kita."Pumasok na kami sa loob, tama namang nandoon si nanay at tatlong kapatid ko nanonood ng TV.
"Nay may bisita kayo oh, nakita ko sa labas, hinahanap nya si Ace. Kako baka nandito sa loob." Tapos naramdaman ko na lamang na kinurot nya ako ng pinung-pino sa tagiliran kaya napa-aray ako at niyakap ko sya.
"Nay, si Rochelle ho mamanugangin nyo. Angel ang nanay ko si Fely, tapos mga kapatid ko, si Gretch yong sinabi ni Sheryl, si Rey at si Anton. Baka gusto nyo kaming paupuin dahil bisita kami at tuloy pagmeryendahin nyo na rin kami." Ang sabi ko dahil walang umiimik isa man sa kanila na parang natulala yata. "At biglang nagtayuan ang dalawang lalake kong kapatid na kinamayan lang si Chelle tapos lumabas na ng bahay.
Tumayo rin si Gretch at lumapit kay Chelle at yinakap ito. "Pasensiya ka na ha nagulat talaga kami eh. Bigla- bigla kasi itong si kuya." ang sabi niya sabay hila dito para maupo.
"Kumusta ka naman iha? Ang ganda mo naman. Paano ka napasagot nitong panget na to?" Ang sabi ng nanay ko sabay yakap din kay Chelle. At tumingin sa akin. Hindi na ako nagreact dahil naunahan na ako ni Chelle.
"Mabuti naman po, ginayuma yata ako, hihihi. Joke Angel ha." Iniwan ko sila sa salas at lumabas ako para tignan ang dalawang kapatid ko para utusang bumili ng meryenda.
"Hoy, bili kayo ng meryenda ha bilisan nyo." Ang utos ko sa kanila pero agad naman silang sumagot.
"Kuya may meryenda sa ref niluto ni ate kanina tignan mo na lang doon. Softdrinks na lang bilhin namin." Sabi ni Rey.
"O sige, ulam para mamaya meron ba?" Katayin na lang namin mamaya kuya yong isang manok diyan."Lumakad na si Anton.
"Ako na lang bibili kuya. Hanapin mo na lang si kuya mike at si kuya patrick. Yong kambing na lang katayin natin. Para makaulam naman tayo ng iba. Lagi na lang kasing gulay , manok, gulay , manok. Kulang na lang maging uod ako o tuboan ng pakpak." Ang sabi nito na totoo naman kasi. Saka lang makakaulam ng masarap kapag may bisita di samantalahin na lang.
"Sige kuya hanapin ko yong dalawa." Nandito pa pala yong dalawang iyon akala ko e nasa Nueva Ecije na dahil malapit na ang pasukan sa isip ko.
Pagpasok ko sa loob ay masaya ng nagkukwentuhan ang tatlo. Tinignan ko si Chelle, okay naman siya na parang at home na at home pa. Tumabi ako sa kanya tapos humawak siya sa braso ko.
"Nay pakakasal sana kami ni Chelle." Ang biglang sabi ko sa nanay ko.
"Sigurado na ba kayo diyan?" Ang tanong ng nanay ko sa amin.
"Nay naman." Ang protesta ko kahit hindi pa natatapos ang dapat niyang sabihin.
"Sa akin mga anak walang problema, kayo ang magdedesisyon nyan. Eh Rochelle anak sigurado ka bang gusto mong maging asawa tong anak kong ito? Eh hindi kami mayaman anak. Walang trabaho ngayon yan. Wala din akong maipamamana diyan." Ang tanong ng nanay ko kay Chelle.
"Mahal ko po si Ace, mahirap din naman po kami. Tsaka kung mamumuhay man po kami ng masagana sa darating na araw, iyon po ay dahil nagsikap kami hindi dahil minana namin. Mas masarap pong tamasahin ang yaman kung pinaghirapan, kesa sa bigay lang." Napangiti ang nanay ko at ako man ay naimpress sa sinabi nyang iyon.
"Nagtataka kasi ako mga anak, kelan lang ba kayo nagkakilala?"
"Nay umuo ka na para maranasan ko na ring mag-abay. Ilang taon na ako hindi ko pa naranasan yan. Excuse me Ate ha." Ang sabat ni Gretch sabay tayo at pumunta sa kusina.
"Limang araw nay. Pero matagal na kaming magkakilala. Nay bukas ng gabi punta tayo sa kanila para mamanhikan ha. Nay huwag ka ng kumontra may pananagutan na po ako kay Chelle." Ang tuloy-tuloy na litanya ko para matapos na ang usapan.
"Halika nga dito anak, Rochelle. Hindi ako tumututol anak ha. Ikaw ang inaalala ko, sabagay mabait at responsable naman yan si Ace." Niyakap nya si Chelle at inaya kami sa kusina para magmeryenda.
"Ang sarap naman po nito. Sino po nagluto nito?" Ang sabi ni Chelle sa kinakain naming ginataang bilo-bilo na may halong saging na saba , kamote at langka.
"Ehem, ako ate. Pasensiya ka na ha yan lang ang nakayanan eh." Sabi nitong parang nagmamayabang pa.
"Hindi masarap talaga. Gusto kong matuto nito. Para may maipakain ako kay Ace." Sabi ni Chelle na hindi na nasagot ni Gretch dahil may nagpatao po sa labas. Tinignan ko at si Alma pala yon. Niyaya ko siyang pumasok para magmeryenda at tuloy makilala n rin ni Chelle.
"Nay nandito si kagawad. Upo ka kagawad." Ang sabi ko sabay upo ulit sa tabi ni Chelle. Kagawad pa rin kasi si Alma. Ewan ko ba kung bakit nanalo pa rin.
"Si Ace naman napaka-formal. May bisita ho yata kayo." ang sabi nito sabay upo habang hinainan naman ni Nanay ng meryenda.
"Ah si Ate Rochelle, hipag ko, malapit na silang ikasal ni kuya. Attend ka ha, basta sabihan kita kung kelan ha. Rochelle si Alma brgy. Kagawad dito, kumare ni kuya at kaibigan ko rin." tumayo silang dalawa matapos ang pagpapakilala ni Gretch na parang may ipinamukha lang.
"Hi nice meeting you kagawad. Kumusta naman po kayo?"Ang bati ni Chelle sa parang maiiyak na si Alma.
"Mabuti naman. Alagaan mo yang si Ace ha, pahalagahan at mahalin mo."Ang sabi nyang nangingilid ang luha at sabay nagpaalam na rin. Hindi na nya kinain ang meryenda at parang nalimutan na yata ang sadya niya.
"Anong nangyari doon?" Tanong ni Chelle.
"Hayaan mo, nagselos yon. Inlove daw kay kuya pero niloko naman nya lang si kuya. Galit nga ako sa babaeng yon. Kaya ipinamukha ko talaga sa kanya na hipag kita. Mas lamang ka yata ng sampung paligo don. Nakita mo ang payat nya. sixy dati yon at maganda, pero ayon batugan yong lalakeng ipinalit nya kay kuya. Tamtamin nya. Muntik mamatay ang kuya ko sa kanya ha. Limang araw na puro alak, ayon nagka-ulcer hinimatay dahil sa sobrang sakit ng tiyan, buti na lamang may nakapagsabi. Paano kung wala e di namatay na lang ang kuya sa loob ng bahay nila." Ang mahabang paliwanag ng kapatid ko kay Chelle.
Hindi ko alam na may galit pala ang kapatid ko doon. Ngayon ko lang nalaman, mahal talaga ako ng pamilya ko. "Patawarin mo na yon. Kung hindi nya ako niloko di wala sana si Rochelle ngayon dito. Nagpapasalamat pa nga ako sa kanya dahil nakita ko tuloy si Rochelle na mas better sa kanya, ay hindi best pala." Totoo sa damdamin ko ang sinabi ko.
Hindi ko na rin matagpuan ang galit sa puso ko na parang noong isang linggo lang ay hindi maalis-alis sa akin. Ganun nga yata talaga ang epekto ng pag-ibig. Ewan ko pero mula ng makita kong muli si Chelle maraming nabago sa buhay ko. Parang pakiramdam ko ang dali lang lahat ng mga bagay. Mas klaro ang vision ko para sa mga darating na araw. Parang nakikita ko na magiging maaliwalas ang buhay para sa aming dalawa.
Masikap ako at masinop si Chelle siguro naman magandang combination yon para kami umunlad at magkaroon ng magandang bukas. Sana, sana...
Nagkukwentuhan ang kapatid ko at si Chellesa kubo kung saan kinanton ko si Cathy. Napangiti ako sa ala- alang iyon dahil ang akala ko noon ay si Cathy ang magiging kapalit ni Alma sa buhay ko. Pero bigla na lang naglaho na parang bula.
Kinakatay namin yong kambing para may lutuin silang pang-ulam mamayang hapunan. Natatawa ako ng tanungin ko si Chelle kung nag-uulam ba siya ng kambing at sinagot niya ako ng "Lutuin mo naman Angel baka suwagin ako pag kinagat ko sya." Tumawa pati nanay at mga kapatid ko.
Pagpasok ko sa kubo ay talagang magkapalagayang loob na si Chelle at ang kapatid ko. Tinuturuan nya ang kapatid ko ng mga dapat gawin sa school dahil napag-usapan na nila siguro na magkakasama sila sa school. Naging masaya maging ang hapunan namin. Nakita ko rin na madaling nakasundo ng mga kapatid ko si Chelle. Hindi sila nangingilag na tawagin itong ate at magtanong dito.
"Ate may kapatid ka pa po ba?" Ang tanong ni Mike na biglang nagpatahimik sa lahat at parang hinihintay ang sagot ni Chelle.
"Meron pang single si Rhea. Hihintayin mo nga lang kasi grade six pa lang yon eh, bunso namin." Hagalpakan sila ng tawa habang kakamut-kamot sa ulo si mike.
"Magtapos ka ng muna sa pag-aaral mo bago mo isipin yan" Ang sabi ng nanay ko na tinawanan lang namin lahat.
No comments:
Post a Comment